Pinare-review ni Iligan City Rep. Frederick Siao sa Bureau of Customs ang isa sa mga regulasyon na posibleng dahilan na nakakalusot pa rin ang iligal na droga sa bansa.
Batay sa Section 4.7 ng Customs Memorandum Order 118-2010 ay maaaring palusutin ang mga kargamento at i-release sa warehoouse ng importer o consignee kapag naisailalim na ito sa pre-shipment inspection.
Hinimok ng kongresista si Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero na i-review na ang regulasyon upang malaman kung nagagamit ito ng smugglers sa mga ilegal na aktibidad.
Sa mga naging pagdinig ng Kamara kaugnay sa nakalusot na tone-toneladang basura mula sa South Korea papasok sa Misamis Oriental, napag-alaman na ginamit ng port collector na pandepensa ang naturang CMO para payagang umusad ang bulk at break bulk cargo.
Ayon kay Siao, marahil ay inaabuso ng smugglers ang probisyon sa pamamagitan ng pakikipagsabwatan sa ilang opisyal o empleyado para madoktor ang importation documents.
Dapat na mapag-aralan ito ng Customs upang mapigilan na ang pagpasok ng mga kontrabando lalo na ang iligal na droga sa bansa.