Valenzuela City – Nabulgar na dalawang beses na nagsagawa ng raid ang Bureau of Customs sa Valenzuela kaugnay pa rin ito sa 6.4B na halaga ng iligal na droga na nakuha ng Customs.
Sa pagdinig ng House Committee on Dangerous Drugs, kinwestyon ni Valenzuela Rep. Wes Gatchalian na apat na araw matapos ang pagkumpiska sa iligal na droga ay bumalik ang Customs sa Valenzuela para magsagawa ng ikalawang raid.
Sinabi ni Customs Director Niel Estrella na bumalik ulit sila dahil posibleng nagtatago doon ang Taiwanese na target nila sa nakuhang 6.4B na droga at kung may mga naiwan pang iligal na droga sa Scale Tech International Corp.
Pero iginiit ni Dangerous Drugs Committee Chairman Robert Barbers na hindi pwedeng magsagawa ng raid ang Customs kung Letter of Authority lamang o LOA ang dala.
Sinabi ni Barbers sa Customs na pinagloloko naman sila dahil hindi pwedeng maghalughog kung walang dalang search warrant at lalo na kung walang kasamang PDEA agent.
Tahasang tinawang ni Barbers si Estrella na incompetent dahil hindi naman nito malalaman ang iliagal na droga kung hindi nagbigay ng tip ang China.
Nagisa din si Customs Commissioner Nicanor Faeldon dahil tila hindi nito alam ang trabaho at iginiit na hindi pwedeng basehan ang Letter of Authority para magsagawa ng raid.
Sinegundahan naman ni HMFL Rodolfo Fariñas ang sinabi ni Barbers na ang ginawa ng Customs ay paglabag sa RA 9165 at sa constitution.
Nababahala si Fariñas na pinagtatawanan ang BOC ng ibang bansa dahil sa kanya-kanyang lakad na umiiral sa loob ng ahensya.
Samantala, iginawad naman ng Kamara ang hiling na immunity o proteksyon nila PDEA NCR Dir. Wilkins Villanueva at PDEA agent Norman Balquedra kaugnay sa isinasagawang imbestigasyon.