CVCHD, NAGBABALA KONTRA SA FAKE NEWS TUNGKOL SA BAKUNA

Cauayan City – Nagbabala ang Department of Health Cagayan Valley Center for Health Development (DOH-CVCHD) kaugnay sa pagkalat ng maling impormasyon sa social media tungkol sa mga bakuna, partikular sa anti-tetanus.

Ayon sa ahensya, may mga maling pahayag na nagsasabing ginagamit ang mga bakuna upang sadyang saktan o patayin ang mga tao, isang mapanirang akusasyon na nagpapalaganap ng takot at kawalan ng tiwala sa mga serbisyong pangkalusugan.

Kasabay ng pinaigting na Immunization Monitoring Program at ang PuroKalusugan strategy, patuloy ang pagbisita ng mga health workers sa mga kabahayan upang magbigay ng tamang impormasyon at serbisyong medikal.

Layunin ng mga programang ito na tiyaking ligtas, maayos, at may tamang kaalaman ang mga mamamayan hinggil sa pagbabakuna.

Pinaalalahanan ng CVCHD ang publiko na maging mapanuri at responsable sa pagbabahagi ng impormasyon sa online platforms.

Bago mag-post o mag-share ay mag fact check muna gamit ang mga opisyal na website ng DOH, lehitimong news outlet, at mga kilalang institusyong medikal upang maiwasan ang pagkalat ng maling impormasyon.

Sa huli, binigyang-diin ng DOH-CVCHD ang kahalagahan ng pagiging responsableng mamamayan sa gitna ng digital age.

Facebook Comments