Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Dr. Glenn Matthew Baggao, pinuno ng CVMC, mayroon ng 250 na kabuuang beds ang nasabing ospital para sa mga positibo sa COVID kung saan ay lagpas na ito ngayon sa 100% na capacity nito.
Ayon kay Dr. Baggao, muli nilang ibinalik ang karatula na “Full Capacity” na ang CVMC dahil sa dami at pagdagsa ng mga covid patients.
Batay aniya sa kanilang pinakahuling datos ngayong umaga ng Biyernes, Enero 14, 2022, nasa 197 na ang bilang ng mga pasyenteng naka admit sa CVMC at inaasahan pa itong madadagdagan.
Nasa 60 porsyento rin sa mga covid patients sa CVMC ay hindi pa nabakunahan at karamihan sa mga pasyente ay asymptomatic habang ang iba naman ay nasa mild condition.
Sinabi pa ni Dr. Baggao na naramdaman ang pagtaas ng mga kaso ng COVID sa rehiyon dos maging sa buong bansa pagkatapos ng Christmas season at pagsalubong ng taong 2022.
Muli naman itong nananawagan sa publiko na huwag magpakampante sa ating sitwasyon ngayon at iwasan muna ang paggala lalo na sa mga nasa vulnerable sector.
Samantala, sa pinakahuling datos ng Tuguegarao City Information Office, pumalo sa 1,158 ang bilang ng aktibong kaso ng COVID-19 sa naturang lungsod kung saan umabot na sa 16,476 ang total confirmed cases ng Tuguegarao City.