Cauayan City, Isabela- Naglagay na ng isang tarpaulin ang Cagayan Valley Medical Center (CVMC) na isinabit sa harapan nito upang ipabatid sa publiko na puno na ang COVID Ward ng ospital.
Una nang sinabi ni Dr. Glenn Mathew Baggao, Medical Center Chief ng CVMC na punong-puno na ang kanilang COVID ward at lumampas na ang bilang ng mga naka isolate sa bilang ng inilaang isolation rooms.
Kanyang sinabi na may 197 COVID patients sa kanilang ospital na mas madami kaysa sa 150 na bilang ng isolation rooms.
Mula sa 197 na pasyente, 156 rito ang positibo sa COVID-19 samantalang 38 naman ang suspected cases.
Maging ang Department of Health (DOH) Region 02 ay naghayag na punuan na rin ang iba pang COVID referral hospitals sa rehiyon kaya’t tumanggap na rin ng COVID-19 patients ang mga district at private hospitals.