Cauayan City, Isabela- Problemado ngayon ang pamunuan ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC) dahil wala na rin sapat na medical supplies na gagamitin para sa mga pasyente na kasalukuyang na-admit at binabantayan sa ospital.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Dr Glenn Baggao, pinuno ng CVMC, mayroon aniya silang pambili ng mga medical supplies subalit wala namang mabili gaya ng mga alcohol, sanitizers at face mask.
Dahil dito, hiniling nito na kung maaari ay ipaubaya muna ang mga pangunahing kagamitan sa mga health workers, front liners at sa mga may sakit dahil sila aniya ang pangunahing umaasikaso sa mga naka-isolate na Person’s Under Investigation (PUI) sa sakit na Coronavirus (COVID-19).
Ginamit na rin aniya ang kanilang mga private rooms bilang isolation area para sa mga na-admit na PUI.
Nananatili pa rin sa bilang na 21 na PUI’s ang CVMC na kung saan 9 dito ay galing sa iba’t-ibang bansa kabilang ang isang (1) Chinese student habang ang iba ay mga nanggaling sa Metro Manila.
Under Monitoring na lamang ngayon sa kani-kanilang lugar ang mga naunang PUI na nakalabas na ng ospital matapos magnegatibo sa COVID-19.
Dagdag dito, mahigpit rin ang pagpapatupad ng mga precautionary measures sa naturang ospital para makaiwas sa naturang sakit.
Nagpaalala rin si Dr. Baggao sa publiko na huwag mag-panic, sumunod sa mga preventive measures, maging vigilante, at komunsulta o ipaalam sa anumang ospital kung may mga kakilala na may karamdaman o nagpapakita ng mga symptoms ng COVID-19.
Samantala, nananatili pa rin NEGATIBO sa COVID-19 ang buong Lambak ng Cagayan.