Iniulat ng Council for the Welfare of Children (CWC) na karamihan sa mga biktima ng mga hindi naire-report na insidente ng pang-abusong sekswal, aktuwal man o sa internet ay mga batang lalaki.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni CWC Executive Director Usec. Angelo Tapales na umiiral pa rin kasi ang kultura sa Pilipinas na kapag lalaki, hindi dapat iyakin at hindi dapat sumbungero.
Nasa 84% naman aniya sa mga biktima ng pag abusong sexual sa online ay mga babae.
Ang masakit lamang aniya rito, 42% sa datos ay sariling mga magulang ang nagtulak sa mga bata sa ganitong sitwasyon.
Ayon kay Tapales, ang mentalidad kasi ng marami ay no touch, no offense ang sistema.
Pero giit ni Tapales, hindi dahil video lamang ito o larawan ay wala nang pananagutan, at malinaw pa rin itong isang krimen na dapat ireport sa mga awtoridad.
Dahil dito, hinihikayat ng CWC ang publiko na i-report sa Makabata helpline 1383 ang anumang insidente ng pang-aabuso sa mga bata aktuwal man ito o sa internet para agad maaksyunan ng tamang ahensya.