Nanawagan si Senator Risa Hontiveros sa pamahalaan na magkaroon ng isang doktrina na siyang magpoprotekta sa Pilipinas mula sa pang-eespiya ng iba pang bansa gamit ang makabagong teknolohiya.
Magugunitang naghain ang senadora ng Senate Resolution No. 137 na siyang humihikayat kay Senate Committee on National Defense Chairperson Sen. Panfilo Lacson na imbestigahan ang kasunduang nagpapahintulot sa ikatlong telco player na DITO Telecommunity na magtayo ng equipment at mga pasilidad sa loob ng mga kampo ng militar.
Sa interview ng RMN Manila, iginiit ni Hontiveros na kailangang mabuo ang cyber defense system doctrine para sa Hukbong Sandatahan at intelligence community ng Pilipinas.
Magsisilbi aniya itong gabay para labanan ang anumang banta sa digital space lalo na sa mga hackers.
Sinabi rin ni Hontiveros na bagama’t may mga pasilidad ang Smart Communications at Globe Telecom sa mga military camps, pribadong kompanya ang foreign partners nito kumpara sa DITO na may 40% steak ang China Telecom na pagmamay-ari ng Chinese government.
Una nang iginiit ni DITO Chief Administrative Officer Adel Tamano na ang kanilang kompanya ay isang “Filipino Company.”