Manila, Philippines – Nagsumite na ng kanyang sagot sa National Bureau of Investigation (NBI) si Maria Ressa, ang Chief Operating Officer ng online news site na Rappler.
Ito ay matapos padalhan ng subpoena ng NBI si Ressa kaugnay ng Cyber Libel Complaint na isinampa ng negosyanteng si Wilfredo Keng noong December 2017.
Sa kanyang counter-affidavit, sinabi ni Ressa na walang basehan ang reklamo laban sa kanya at wala aniya siyang pananagutang kriminal.
Nagsumite rin ng kanyang hiwalay na kontra-salaysay si dating Rappler Reporter Reynaldo Santos Jr. na nagsulat ng artikulo laban kay Keng.
Iginiit si Santos na wala siyang nalabag na batas sa ilalim ng Cybercrime Prevention Act.
Magkaiba aniya ang online libel sa pangkaraniwang libelo.
Nabigo anya ang complainant na ikonsidera sa kanyang reklamo ang ilang probisyson ng nasabing batas.
Nag-ugat ang reklamo laban kina Ressa, Santos Jr. at negosyanteng si Benjamin Bitanga sa isang artikulo ng Rappler noong Mayo 2012 kung saan iniulat ng online news site ang pagpapahiram daw ni Keng ng kanyang sport utility vehicle kay dating Chief Justice Renato Corona.
Sa harap daw ito ng mga nakabinbing kaso ng mga kumpanya ni Keng sa lower court.