Pinaiimbestigahan ni Senator Mark Villar ang ‘cyberattack incident’ sa website ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) at sa iba pang website ng gobyerno.
Kaugnay rito ay kinokondena ng senador ang pinakahuling insidente ng cyberattack sa PhilHealth na kagagawan ng Medusa ransomware kung saan nakompromiso ang lahat ng medical information at records ng mga miyembro.
Inihain ni Villar ang Senate Resolution 811 kung saan binibigyang direktiba ang kaukulang komite sa Senado na magsagawa ng imbestigasyon ‘in aid of legislation’ para siyasatin ang mga nangyaring cyberattacks at iba pang pag-atake laban sa mga government websites.
Ayon kay Villar, ang cyberattack sa PhilHealth ay hindi lamang simpleng atake laban sa isang institusyon ng gobyerno kundi ito ay pagkakait sa PhilHealth members sa kanilang karapatan para sa ligtas at accessible na tulong medikal.
Naniniwala si Villar na panahon na para palakasin ang cyberspace security dahil puro mga pribado at sensitibong impormasyon ang nilalaman nito na maaaring maglagay sa kapahamakan hindi lang ng institusyon kundi ng buong sambayanan.