Iginiit ni Senador Win Gatchalian na dapat sampahan ng pinakamabigat na mga kasong kriminal ang mga credit card fraudsters at tugisin ang mga patuloy na gumagawa ng identity theft at iba pang uri ng cybercrime.
Diin ni Gatchalian, higit sa perang ninanakaw ay sensitibo ang lahat ng mga impormasyong makukuha sa mga biktima ng ganitong krimen.
Pahayag ito ni Gatchalian, matapos ang pag-aresto ng National Bureau of Investigation (NBI) kay Julius Anacin, isa sa mga suspek sa ginawang pag-hack sa credit card niya noong Enero 6.
Magugunitang iligal na ginamit ang credit card ni Gatchalian sa pagbili sa isang online delivery platform ng mga alak na umabot sa halagang 1.1 milyong piso.
Ayon kay Gatchalian, ang insidenteng ito ay patunay na kailangan na talagang magkaroon ng batas na lalong magpapatibay sa financial system at dagdag proteksyon sa mga konsyumer laban sa hacking.
Kaugnay nito ay inihain ni Gatchalian ang Senate Bill No. 2287 o ang panukalang Financial Products and Services Consumer Protection Act.
Nakapaloob sa panukala ang pagpapalawak sa mga masasakop na financial services at pagbibigay ng dagdag na kapangyarihan at pagtutulungan ng mga financial regulators upang isulong ang kapakanan ng mga konsyumer.