Wednesday, February 4, 2026

Cybersex den sa Batangas, sinalakay ng PNP-ACG; 7 biktima nasagip, isang Amerikano arestado

Sinalakay ng operatiba ng PNP-Anti Cybercrime Group (ACG) ang isang cybersex den sa Nasugbu, Batangas, kung saan nahuli ang isang Amerikanong national na umano’y nagpapatakbo ng establisyemento.

Ayon kay ACG Director PBGen. Wilson Asueta, modus ng suspek ang paibigin ang kanyang mga biktima sa pamamagitan ng online dating platform. Pagkatapos nito, inaanyayahan ang mga biktima na makipag-meetup at aalukin bilang “model” na may sahod na P50,000 hanggang P100,000 kada buwan.

Dito ipagagawa sa mga biktima ang mga sexual acts sa pamamagitan ng livestream, at may pagkakataong pwersahan o labag sa kanilang kalooban ang mga ginagawa sa kanila.

Isa sa mga biktima ang nakatakas at agad nakapag-report sa pulisya, na naging daan upang masagip ang anim pang kabataan na may edad 18 hanggang 22 taong gulang.

Sa ngayon, nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Expanded Anti-Trafficking in Persons Act at Cybercrime Prevention Act of 2012.

Facebook Comments