Isinama na rin ng Pilipinas ang Czech Republic sa listahan ng mga lugar na nasa ilalim ng travel restrictions dahil sa banta ng bagong variant ng COVID-19.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, pinagbabawalang pumasok ang mga dayuhang pasahero na manggagaling sa nasabing bansa epektibo bukas, January 28, 2021 – alas-12:01 ng madaling araw, oras sa Manila hanggang January 31, 2021.
Ang mga Pilipino namang manggagaling sa Czech Republic ay maaari pa ring pumasok sa bansa pero sasailalim sa mandatory testing at quarantine protocols.
Pagkadating nila ay sasalang sila sa RT-PCR test habang uulit nila ito ikalimang araw ng kanilang quarantine.
Ang mga magnenegatibo sa parehas na test ay ieendorso sa kanilang Local Government Units at sila ay babantayan sa natitira ng kanilang 14-day quarantine.
Ang pamahalaan ay nagpatupad na ng travel restrictions sa ilang piling banyaga mula sa 35 bansa na may kumpirmadong kaso ng COVID-19 variants hanggang sa katapusan ng Enero.