
Naghain ng apela sa Korte Suprema ang Department of Agriculture (DA), sa pamamagitan ng Office of the Solicitor General (OSG), upang ibasura ang naging desisyon nito na nagpapahintulot sa mga commercial fishing vessels na makapasok sa mga municipal waters, na dati ay nakalaan para sa mga maliliit na mangingisda sa ilalim ng Fisheries Code.
Hinihimok ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang Korte Suprema na muling isaalang-alang ang naging desisyon nito upang matiyak ang pagpapanatili ng pangingisda sa baybayin ng bansa.
Nagpahayag ng pagkabahala si Laurel tungkol sa mga potensyal na masamang epekto ng desisyon sa kabuhayan ng maliliit na mangingisda at sa magiging epekto nito sa marine ecosystem.
Nangako ang kalihim na poprotektahan nito ang interes ng maliliit na mangingisda habang pinangangalagaan ang yamang-dagat.
Nauna nang pinagtibay ng First Division ng Korte Suprema ang desisyon ng Malabon Regional Trial Court na nagdedeklara sa mga probisyon ng preferential access ng Fisheries Code na labag sa konstitusyon.
Ito’y kasunod ng petisyon na inihain ng Mercidar Fishing Corp.