Inamin ng Department of Agriculture (DA) na malaki talaga ang ini-import na bigas ng bansa ngayon.
Ito ay matapos na tukuyin ng US Department of Agriculture na ang Pilipinas ang nangunguna o top rice importer ngayong 2024.
Ayon kay Agriculture Assistant Secretary Arnel de Meza, noong 2022, aabot sa 3.8 million metric tons ang inangkat na bigas ng Pilipinas.
Pagsapit ng 2023 bumaba sa 3.5-M metric tons ang importasyon na bigas ng bansa.
Pero tinitignan umano na bababa pa ang inaangkat na bigas ng Pilipinas dahil sa pagganda ng produksyon ng nakalipas na taon.
Gayunman, malaking hamon aniya para sa taong 2024 kung gaano kalaki ang volume na inaangkat ng Pilipinas.
Banta kasi sa mga sakahan ang El Niño na posibleng makaapekto at hindi makapagtanim ang mga magsasaka na umaasa sa pagulan maging sa ilog o sapa na pwedeng matuyot.
Paliwanag ni De Mesa, may mga magsasaka na pinayuhan na nilang magpalit ng itatanim habang nararanasan ang El Niño.
Samantala, tuloy-tuloy umano ang pagsisikap ni Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., sa atas ni Pangulong Bongbong Marcos para mapalakas ang produksyon ng palay.
Kabilang dito ang pagpapaabot ng makinarya at iba pang intervention na makakatulong sa lalo pang pagtaas ng produksyon ng bigas.