Nagkasundo ang Department of Agriculture (DA) at Bureau of Customs (BOC) na magpalitan ng impormasyon para masugpo ang iligal na pagpasok ng mga imported agricultural product sa bansa.
Pinangunahan mismo nina Agriculture Secretary William Dar at BOC Commissioner Rey Leonardo Guerrero ang paglagda sa Data Sharing Agreement.
Sa ilalim ng Data Sharing Agreement, magtutulungan ang DA sa pagkalap ng intelligence information kaugnay sa mga hindi patas na aktibidad sa kalakalan ng agricultural commodities, partikular ang pagpasok ng sobra-sobrang imported agri products.
Layon ng DA at BOC na manatiling mapagkumpitensya ang local agri-fishery products sa harap ng pagpasok ng imported counterparts.
Maliban sa palitan ng critical at intelligence information, palalakasin din ng DA at BOC ang kanilang kooperasyon para sa inspection at sa ipatutupad na control procedures sa food safety, at pagdetermina ng kaukulang Custom duties na makokolekta.