Nagsanib-puwersa ang Department of Agriculture (DA), Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Environment and Natural Resources (DENR) upang protektahan ang mga consumers sa mga lugar na inilagay sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ).
Sa inilabas na Joint Memorandum Circular, magtutulungan ang naturang mga ahensya upang tiyakin na hindi makakapagsamantala sa presyo ang ilang mapagsamantalang traders sa presyo ng mga farm at fishery products, mga gamot at mga wood at forest products ngayong mayroong pandemya.
Magpapakalat ang DILG ng inspection teams na sorpresang mag-iikot sa mga public at private markets sa mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila at ibang MECQ areas upang masiguradong mahigpit na ipinatutupad ang price controls.
Inaatasan naman ng DILG ang mga Local Government Units (LGUs) na palakasin ang kanilang local price monitoring councils upang i-monitor ang supply at presyo ng basic food items gayundin ng pagpapatupad ng Suggested Retail Price (SRP) at ‘price freeze’ sa kanilang lokalidad.
Sa panig ng DA, pupwestuhan nila ng mga stalls at kiosks ng KADIWA at ng Diskwento Caravan ng DTI ang ilang barangay upang matiyak ang tuloy-tuloy at abot-kayang food items.
Sa pamamagitan nito, makakahinga ang mga mamimili na kinakapos ng pera dahil sa pagkakabalik sa MECQ ng ilang lugar.