Dumipensa ang Department of Agriculture (DA) at Sugar Regulatory Administration (SRA) sa Kamara kaugnay sa kautusan na mag-angkat ng asukal sa bansa.
Sa pagdinig ng House Committee on Agriculture and Food, sinabi ni DA Usec. Fermin Adriano na nagdesisyon silang mag-import ng asukal para punan ang deficiency o kakulangan sa suplay matapos na maapektuhan ang mga sugar millers at producers ng pananalasa ng Bagyong Odette.
Tinukoy ni Adriano na maraming sugar raw mills, refineries at warehouses ang nasira ng bagyo partikular sa mga sugar producing region sa Panay, Negros at Eastern Visayas.
Iginiit naman ni SRA Administrator Hermenegildo Serafica na dumaan sa masusing konsultasyon ang Sugar Order No. 3 na nag-uutos para sa importasyon ng 200,000 metrikong toneladang asukal para sa industrial use.
Ipinatawag aniya ang mga stakeholders para sa konsultasyon kung saan ipinaliwanag sa mga ito ang malaking gap sa crop estimate ng asukal kaya naman hiningan nila ng rekomendasyon ang mga stakeholders para sa problemang ito.
Hindi rin aniya minadali ang pagbaba sa desisyon na mag-angkat ng asukal dahil maraming factors na ikinunsidera rito.
Bukod sa pananalasa ng bagyo, isa rin sa factor o dahilan sa kakulangan sa suplay ng asukal sa bansa ang hindi magkakasabay na refinery season.
Mayroon aniyang refinery ng asukal na nagsisimula sa Setyembre, mayroon ding Enero hanggang Pebrero at Mayo hanggang Hunyo.
Magkagayunman, nauna nang naglabas ng cease and desist order ang Regional Trial Court sa Sagay, Negros Occidental para ipatigil ang SRA sa balak na importasyon ng asukal sa bansa.