Bumuo na ng investigation panel si Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr., para imbestigahan ang umano’y pagbebenta ng National Food Authority (NFA) ng libong toneladang NFA rice sa isang negosyante na sobrang baba ng presyo at lugi ang gobyerno.
Ayon kay Laurel, may mga opisyal ng NFA ang nagbigay permiso sa bentahan ng milled rice na nakaimbak sa NFA warehouse sa halagang P25 kada kilo nang walang bidding at makaraang mabili ang palay sa halagang P23 per kilo.
Sa isang ambush interview ng media, sinabi ni Department of Agriculture (DA) Spokesperson Arnel de Mesa na nagsimula nang mag-interview at mangalap ng kaukulang dokumento at ebidensya ang investigation panel.
Bagama’t hindi nagbigay ng timeline, pinamamadali ng kalihim ang paglalabas ng team ng kanilang review and analysis.
Sa sandaling mapatunayang may anomalya at matukoy ang mga sangkot, magsasampa ng kaukulang kaso ang DA.
Ani De Mesa, nagsimula ang isyu sa mga alegasyon at turuan sa loob mismo ng NFA.
Aniya, tiniyak ni Secretary Laurel na walang puwang sa ahensya ang katiwalian.
Alinsunod na rin aniya ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na walang sasantuhin sa kampanya ng pamahalaan na linisin ang mga sangay nito sa matiwaling gawain.