Bumuo na si Agriculture Secretary William Dar ng special committee para imbestigahan ang ibinulgar ni Senador Panfilo “Ping” Lacson na korapsyon sa alokasyon ng meat import certificates sa ilalim ng in-quota Minimum Access Volume (MAV) scheme.
Ginawa ni Dar ang hakbang sa kabila ng pagigiit ng MAV Secretariat na above-board ang issuance ng MAV in-quota allocation.
Ang committee ay binuo ng legal service chief ng Department of Agriculture (DA).
Nauna rito, sinabi ng MAV secretariat na nasunod ang guidelines sa pag-iisyu ng MAV import certificate.
Una rito, binalasa ng Kalihim noong Pebrero ang mga kawani ng Bureau of Animal Industry (BAI) matapos tumaas ang presyo ng baboy at manok sa merkado.
Inalis niya ang namumuno sa BAI upang magkaroon ng mga bagong panuntunan sa pagpapataas ng suplay ng baboy at manok.
Handa naman daw si Dar na humarap sa anumang imbestigasyon na ikakasa ng Senado kaugnay sa alegasyon ng korapsyon sa importasyon ng baboy.