Bumuo si Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel ng isang technical working group para pag-aralan ang posibilidad ng paglikha ng mga bakuna kontra Foot and Mouth Disease (FMD).
Bagama’t kinikilala ang bansa ng World Organization for Animal Health bilang FMD-free nang walang vaccination practice mula noong Mayo 2014, nakikita pa rin ng DA ang malaking epekto sa ekonomiya ng banta ng outbreak na naturang lubhang nakakahawang sakit sa hayop.
Ang Pilipinas ay matagal na panahon na ring hindi nakapag-inoculate ng mga hayop laban sa FMD.
Ang mga baka, baboy at kambing ay kabilang sa mga hayop sa bukid na madaling tamaan ng FMD.
Ang Indonesia, Thailand at Vietnam ay kabilang sa mga kalapit na bansa ng Pilipinas na kamakailan ay nag-ulat ng mga kaso ng FMD.
Itinalaga ni Tiu Laurel si Assistant Secretary for Swine and Poultry Constante Palabrica, isang Doctor of Veterinary Medicine, bilang chairman ng technical working group.
Ang technical working group ay magrerekomenda ng mga teknikal na input upang matiyak ang posibilidad ng lokal na paggawa ng mga bakuna kontra FMD.