Pumalag ang Department of Agriculture (DA) sa pagtawag na kontra magsasaka ang Executive Order (EO) 6.
Kaugnay ito sa pahayag ng grupong SINAG na makapinsala sa mga lokal na magsasaka ang EO dahil magreresulta ito sa pagbabawas ng mga pondo para sa Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF).
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., hindi anti-magsasaka ang EO dahil ang gobyerno ay nakatuon na punan ang anumang kakulangan sa pagpopondo sa RCEF upang mapahusay ang pagiging mapagkumpitensya ng mga magsasaka.
Aniya, nakahanda ang pamahalaan na pataasin ang suporta para sa mga magsasaka sa pamamagitan ng pagbibigay ng karagdagang kagamitan at mga pataba upang mapalakas ang output.
Nangako ang kalihim na babalansehin ang mga pangangailangan ng mga mamimili at magsasaka sa gitna ng umuusbong na kalagayang pang-ekonomiya.
Ani Laurel, ang EO ay kinakailangan upang matugunan ang mataas na presyo ng bigas sa pandaigdigang pamilihan
Makinabang aniya rito ang mga mamimili sa pamamagitan ng pansamantalang pagpapababa ng presyo ng bigas.