Hihilingin ng Department of Agriculture (DA) sa tatlong ahensya ng gobyerno na i-exempt o hindi masakupan ng muling pagpapatupad ng total truck ban ang mga accredited vehicles na nagde-deliver ng agricultural commodities sa National Capital Region (NCR).
Sa isinagawang virtual presser sa DA, sinabi ni Usec. Ariel Cayanan na makikipag-usap si Agriculture Secretary William Dar sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Department of the Interior and Local Government (DILG) at sa Philippine National Police (PNP) para magtalaga ng food lane para mabilis na maihatid ang supply ng pagkain.
Sa ilalim ng total truck ban, pagbabawalan ang mga malalaking truck na dumaan sa EDSA at mga major thoroughfares mula alas-6:00 ng umaga hanggang alas-10:00 ng umaga at mula alas-5:00 ng hapon hanggang alas-10:00 ng gabi.
Ani Cayanan, nais matiyak ni Secretary Dar na hindi maantala ang paghahatid ng critical agricultural commodities sa publiko.
Inihalimbawa ni Cayanan ang food lane na naitatag noong panahon ng lockdown dulot ng pandemya.
Dagdag ni Cayanan,anumang pagka-delay sa delivery ng mga produktong agrikultura mula sa mga magsasaka ay posibleng magdulot ng pagkalugi sa mga traders at maipatong naman sa presyo ng bilihin.