Nanawagan ang Department of Agriculture (DA) ang mga importer na huwag munang magdala ng bigas tuwing harvest season para tulungan ang mga lokal na magsasaka na gumagapang sa patuloy na pagbagsak ng presyo ng palay.
Ayon kay Agriculture Secretary William Dar, kinausap nila ang mga importer sa pamamagitan ng Bureau of Plant Industries na iwasan munang mag-angkat ng bigas tuwing major harvest season o mula Oktubre at Nobyembre.
Aminado si Dar na hindi nila mapipigilan ang mga importer na mag-angkat ng bigas mula sa ibang bansa lalo na at pinaluwag ng Rice Tariffication Law ang rice trading.
“Tumutugon naman sila dito sa usapan na hindi muna darating ang imports ng bigas during the harvest period kasi doon talaga babagsak masyado ang presyo ng palay,” dagdag ni Dar.
Para matugunan ang bumubulusok na presyo ng palay, ang National Food Authority (NFA) ay palalakasin ang buffer stocking program na layong bilhin ang ani ng mga lokal na magsasaka sa halagang 19 pesos kada kilo.
Dagdag pa ni Dar, may ilang lokal na pamahalaan ang bumibili na rin ng palay sa mga local farmers bilang assistance package sa kanilang mga kababayan.
Nasa dalawang milyong metric tons ng bigas ang pumasok sa bansa mula nang ipinatupad ang Rice Tariffication Law.
Sa datos mula sa Philippine Statistics Authority (PSA), ang average farmgate price ng palay ay bumaba sa ₱17.12 per kilo nitong ikalawang linggo ng Setyembre, tatlong porsyento na mababa kumpara sa ₱17.64 pero kilo noong unang linggo.