Kasabay ng implementasyon ngayong araw ng price cap sa karneng baboy at manok, nilinaw ng Department of Agriculture na wala munang parurusahan sa mga tinderang nakiisa sa “pork holiday”.
Sa interview ng RMN Manila kay Agriculture Assistant Secretary Noel Reyes, sinabi nito hindi nila pipilitin na magtinda ang mga meat vendors kung malulugi naman ang mga ito.
Aniya, nauunawaan ng pamahalaan ang kanilang hinaing kaya gumawa na sila ng paraan para matulungan ang mga meat retailers.
Upang mapunan ang pangangailangan ng karne sa Metro Manila, sinabi ni Reyes na darating ang suplay ng baboy mula Mindanao, Oriental Mindoro, Iloilo, at Batangas ngayong araw kung saan sasagutin ng pamahalaan ang transportation cost ng mga ito para mababa pa rin ang halaga ng baboy at manok.
Samantala, sa interview ng RMN Manila, nilinaw ni Task Force Zero Hunger Chairperson At Cabinet Secretary Karlo Nograles na pansamantala lang naman ang pagpapatupad ng price ceiling sa karne ng baboy at manok.
Ayon kay Nograles, bagamat karapatan ng mga meat vendors at retailers ang pagsasagawa ng pork holiday, ang mas maaapektuhan nito ay ang mga maliliit na hog producers.
Sa ngayon ay may hawak nang intel reports ang binuong task force upang habulin ang mga negosyanteng nagsasamantala sa presyo ng baboy at manok.