Hinimok ng Department of Agriculture (DA) ang mga lokal na pamahalaan na isama ang karne ng manok sa mga food packs sa ginagawang relief distribution lalo na ngayong may pandemya.
Sa virtual presser sa DA, sinabi ni Assistant Secretary Noel Reyes na maliban sa iba pang food items na malimit inilalagay sa ipinamamahaging food packs sa panahon ng relief efforts, isasama na rin dito ang karne ng manok.
Malaki aniya ang maitutulong nito sa mga poultry farmers na apektado ng oversupply ng manok.
Pinakiusapan na rin ni Agriculture Secretary William Dar ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Labor and Employment na sa halip na pera ang ipamigay sa mga apektado ng community quarantine, ikarga na rin sa ibibigay na ayuda ang karne ng manok.
Maliban aniya sa makakapagpalakas ito sa resistensya ngayong may nakamamatay na sakit, makatutulong pa ang Local Government Units (LGUs) sa pagbangon ng agriculture sector.
Nauna nang ipinasama ng DA ang mga gulay sa mga food packs sa LGUs noong inilagay sa Enhanced Community Quarantine ang maraming lugar sa bansa.