Hinimok ng isang consumers group ang Department of Agriculture (DA) na kasuhan ang mga trader at wholesaler na nagmamanipula sa presyo ng karneng baboy.
Ito ay makaraang sabihin ng DA at Department of Trade and Industry (DTI) na “artificial” lamang ang nangyayaring pagtaas sa presyo ng karneng baboy bunsod ng price manipulation sa merkado.
Sa interview RMN Manila, sinabi ni Laban Konsyumer Inc. President Atty. Vic Dimagiba, may kakayahan naman ang DA na tukuyin kung sino ang mga trader na nagdidikta ng presyo.
“kaya ako ang tanong ko dun, sino sila? Then i-file mo na yung kaso. Andyan naman yung Department of Justice Office for Competition para magkaroon ng pagdinig,” ani Dimagiba.
Pero tingin ni Presidential Spokesman Harry Roque, hindi kartel ang dahilan ng mataas na presyo ng karne ng baboy at manok sa bansa.
Aniya, kung may kartel man ay maliit lang ang epekto nito dahil talagang naapektuhan ng African Swine Fever (ASF) ang industriya ng pagbababoy.
Isa sa nakikitang paraan ngayon ng pamahalaan ay ang pag-aangkat muna ng karneng baboy sa mga lugar o bansa na ASF-free.
“Talaga naman pong mahirap ang supply dahil sa ASF…Siguro po ang solusyon dyan talaga, e magsimula tayo anew ng mga bagong palaki pero panandalian, kinakailangang mag-angkat tayo galing sa Visayas at Mindanao at sa iba pang parte ng daigdig na walang ASF,” paliwanag ni Roque.
Samantala, umaasa si Dimagiba na aaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isinusulong na price ceiling ng DA bago magpatupad ng panibagong price freeze dahil sa epekto ng ASF.
“ang ginawa nilang legal basis sa nabasa ko, magde-declare uli ng another state of calamity due to African Swine, kasi nag-expire noong January 18 yung original 60 days. Nakakatawa nga, yun yung panahon na pumalo sa P400,” saad ni Dimagiba.
“Hopefully, maaprubahan, P270 to P300. Hindi yun presyong palugi at kapag itinakda mo yun, may hanapbuhay na lahat,” dagdag pa niya.
Anumang araw ngayong linggo inaasahang lalagdaan ng Pangulong Rodrigo Duterte ang Executive Order para rito.