Humiling ang Department of Agriculture (DA) sa Kamara ng mas mataas na pondo para sa taong 2021.
Sa briefing ng House Committee on Agriculture and Food, sinabi ni Agriculture Secretary William Dar na nangangailangan ng mas mataas na pondo ang ahensya sa susunod na taon dahil lubhang naapektuhan ng pandemya ang sektor ng agrikultura sa bansa.
Sa budget proposal ng DA ay humihingi ito ng P284.4 billion na budget sa susunod na taon, mas mataas ng 255.9% kumpara sa pondo ngayong 2020.
Ang hinihinging pondo ay nakatuon para sa pag-alalay, paglago at muling pagbangon ng sektor ng agrikultura at pangingisda sa bansa.
Sa ilalim ng 2021 budget ng DA, P55.9 billion dito ay para sa rice sub-sector, P6.6 billion para sa corn sub-sector, P13.7 billion para sa high value crops, P11.2 billion sa livestock sector, P22.5 billion sa fisheries sector, P960 million sa organic agriculture, at P3 billion para sa ibang support programs.