DA, humiling ng dagdag na P30-B na pondo sa 2022 para sa mga industriyang apektado ng ASF at COVID-19 pandemic

Umaapela ang Department of Agriculture (DA) sa Kamara ng dagdag na pondo para sa kanilang panukalang budget sa 2022.

Sinabi ni DA Secretary William Dar sa House Appropriations Committee panel na ikalulugod nila kung madaragdagan ng P30 billion ang pondo ng ahensya sa susunod na taon upang mas matulungan pa ang mga magsasaka, hog raisers, poultry farmers at mga mangingisda na pinadapa ang kabuhayan dahil sa COVID-19 pandemic.

Sa budget presentation ni Agriculture Undersecretary Fermin Adrinao, mula sa proposed P231.76 billion na hirit na pondo ng DA sa Department of Budget and Management (DBM), aabot lamang sa P91.007 billion ang inaprubahang alokasyon para sa ahensya sa ilalim ng 2022 National Expenditure Program (NEP).


Aniya, mas mataas ito ng 1.05% kumpara sa 2021 budget na P90 billion ngunit kukulangin ito para matulungan ang mga industriyang apektado ng African Swine Fever (ASF) at pandemya.

Tiniyak naman ni Dar na maraming nakalatag na plano at programa ang DA para sa mga magsasaka, mangingisda, consumers at iba pang stakeholders sa susunod na taon bukod pa sa pagtiyak ng matatag na suplay ng pagkain.

Tungkol naman sa isyu ng unutilized funds na nadiskubre ng Commission on Audit (COA) sa kanilang 2020 report, tinugon ni Dar na nasagot na nila at naisumite ang mga dokumento sa COA.

Sa 2020 aniya ay aabot sa 92% ang budget utilization ng ahensya, samantala mula Enero 1 hanggang Agosto 15 ay aabot sa 55% ang nagamit na pondo ng DA at may natitira pang 35% na gugugulin sa mga natitira pang mga buwan ngayong taon.

Facebook Comments