DA, idineklarang bird-flu free ang lalawigan ng Bulacan

Idineklara ng Department of Agriculture (DA) wala ng kaso ng avian influenza, partikular ang H5N1 strain na lubhang nakakahawa sa buong probinsya ng Bulacan.

Sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., ang deklarasyon ay kasunod ng mahigit 90 araw nang matapos ang cleaning at disinfection activities, at makapagsagawa ng surveillance na nagpakita ng negatibong resulta sa virus.

Magugunitang simula noong January hanggang February 2023, naitala ang mga kaso ng H5N1 sa Baliwag City at mga bayan sa Bulacan.


Iba’t ibang klase ng poultry ang naapektuhan tulad ng itik, pugo, native chicken at maging mga panabong na manok.

Para mapigilan ang pagkalat ng sakit, agad ipinatupad ang depopulation, disinfection, at paghihigpit sa pagbiyahe ng mga hayop.

Naglagay din ng surveillance zones sa paligid ng mga apektadong farm kung saan negatibo sa bird flu ang naging resulta ng mga test.

Ayon sa Bureau of Animal Industry, ang huling kaso ng H5N1 ay naitala noong May 2023 sa isang gamefowl farm sa Santa Maria.

Sa ngayon ay may 135 rehistradong poultry facilities sa probinsya ng Bulacan.

Facebook Comments