DA, inalis ang pansamantalang import ban sa ibon at poultry products sa 3 bansa

Inalis na ng Department of Agriculture (DA) ang pansamantalang import ban sa wild at domestic birds mula sa Argentina, Romania at Turkey.

Ito ay matapos makontrol ang pagkalat ng highly pathogenic Avian influenza (HPAI) sa mga bansang ito.

Dahil dito, naglabas na si Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr., ng magkakahiwalay na memorandum order na nagpapahintulot sa muling pag-angkat ng mga produktong ito.

Paliwanag ng kalihim, wala ng bagong outbreak sa mga naturang bansa at matapos magbigay ng clearance ang World Organization for Animal Health (WOAH).

Ang pag-alis sa ban ay kinakailangang hakbang dahil mahalaga ang poultry sa pagsiguro sa seguridad sa pagkain at sa pagbibigay ng hanapbuhay at oportunidad sa agri-business.

Ang muling pagbubukas ng ligtas na import channels ay makatutulong sa pagpapatatag ng suplay at presyo ng pagkain.

Kung maalala, pansamantalang ipinatupad ang import ban noon para maprotektahan ang lokal na industriya ng poultry sa Pilipinas laban sa pagkalat ng bird flu.

Ang desisyon na alisin ang import ban ay ibinatay sa risk assessments na isinagawa ng DA-Bureau of Animal Industry (BAI).

Facebook Comments