Inihahanda na ng Department of Agriculture (DA) at Bureau of Animal Industry (BAI) ang isasampang patung-patong na mga kaso laban sa mga negosyante ng baboy na nagta-transport ng mga baboy na infected ng African Swine Fever (ASF) at walang kaukulang dokumento.
Ayon kay DA Assistant Secretary at Spokesperson Arnel de Mesa, aabot sa bilang na 476 na buhay na baboy mula sa 18 shipment ang naharang sa nakalatag na iba’t ibang mga checkpoint.
Matapos makumpirmang ASF infected sa isinagawang laboratory test ng BAI, 430 dito ang agarang ipina-condemn at 46 naman ang sumailalim sa emergency slaughter.
Kabilang sa mga kasong isasampa sa mga hog trader ay ang falsification of documents, paglabag sa meat inspection code at iba pa.
Sa huling rekord ng DA, dumoble na ang bilang ng mga barangay sa bansa na tinatamaan ng ASF mula noong Agosto 8 na umabot na sa 458.