Simula sa January 20, ipatutupad na ng Department of Agriculture (DA) ang maximum suggested retail price (MSRP) para sa imported na bigas na itatakda sa P58 kada kilo.
Ito ang napagkaisahang MSRP pagkatapos ng malawakang konsultasyon sa mga importer, retailer, rice industry mga stakeholder, gayundin ang mga ahensya ng gobyerno at law enforcement bodies.
Sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., na ang MSRP ay sisimulang ipatupad sa Metro Manila, at rerebyuhin ito bawat buwan upang isaalang-alang ang ilang mga isyu, kabilang ang pandaigdigang presyo ng palay.
Nangako naman si Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Cristina Roque na tutulong sa pag-monitor upang matiyak na susunod ang mga retailer sa pagpapatupad ng MSRP.
Ang MSRP ay nilikha sa harap ng patuloy na mataas na presyo ng bigas, sa kabila ng ginawang pagbabawas ng taripa ng imported na bigas.