Muling magsasagawa ng pagsusuri ang Department of Agriculture (DA) sa biosecurity measures sa San Luis, Pampanga kasunod ng panunumbalik ng bird flu doon.
Sa virtual presser sa DA, sinabi ni Assistant Secretary Noel Reyes na mangangailangan ng muling pagpapalakas ng biosecurity measures sa San Luis.
Aniya, ang muling paglitaw ng bird flu sa lugar ay patunay na nagkukulang na sa pagpapanatili ng kalinisan sa mga poultry farms at ang regular na disinfection.
Dagdag pa niya, dahil kulang sa tao ang Bureau of Animal Industry, kailangang magsanib puwersa ang DA Central Luzon Regional Field Office, Provincial Veterinary Office ng Pampanga at ng San Luis Local Government Unit (LGU) upang maipatupad ang mas istriktong biosecurity measures.
Sa ngayon ay kontrolado na ang bird flu sa egg farm sa San Luis.
Wala namang aniyang nangyaring pagkalipat sa tao ng A(H5N6) strain ng Avian Influenza.