Manila, Philippines – Imumungkahi ng Department of Agriculture (DA) kay Pangulong Rodrigo Duterte na magpatupad ng “temporary suspension” sa importasyon ng mga produktong baboy sa mga bansang walang kaso ng African swine fever (ASF).
Sinabi ni Agriculture Secretary Manny Piñol na irerekomenda nila na pansamantalang suspendihin muna ang pork importation mula sa mga bansa na bagamat walang ASF, pero kinukunsiderang “high risk,” gaya ng mga lugar na malapit sa mga tinamaan na ng ASF.
Ani Piñol, ang hakbang ay layong maprotektahan ang Pilipinas laban sa ASF.
Dahil dito, maaaring hindi na rin papasukin sa bansa ang mga produktong baboy na mula sa Myanmar, Malaysia, India at Laos.
Kabilang naman sa mga bansang nauna nang may temporary ban sa pork importation dahil sa ASF ay ang China, Hong Kong, Mongolia, Vietnam, Cambodia at North Korea, maging ang Belgium, Bulgaria, Czech Republic, Moldova, South Africa, Russia, Ukraine, Poland, Latvia, Romania at Zambia.