Isusulong ng Department of Agriculture (DA) ang iba’t ibang uri ng bigas na nais ng mga consumer.
Ito ay matapos maabot ang malakas na produksyon ng palay sa loob ng 2019-2020 dry season at sa kasalukuyang main season.
Ayon kay Agriculture Secretary William Dar, kailangang mag-adapt sa mga pagbabago mula nang ipatupad ang Rice Tariffication Law, kabilang na rito ang mga gusto ng mga consumer na dekalidad na bigas.
Bahagi aniya ito ng kabuoang pagbabago sa rice industry sa bansa.
Hindi lang pag-abot sa production target para sa mga susunod cropping seasons ang kailangang panatilihin ng ahensya, kundi ang pag-produce ng quality rice para sa consumers na magbibigay ng malaking kita sa mga magsasaka.
Makikipagpulong si DA sa seed producers para talakayin ang rice varieties para sa mga consumer at lebel ng productivity na magbibigay sa mga magsasaka ng karagdagang kita.
Magkakaroon din ng konsultasyon ang DA sa mga magsasaka, seed producers, traders, millers at iba pang stakeholders para malaman ang industry trends, demand ng domestic retail market at institutional buyers, pangangailangan ng mga consumer at pagpatutupad ng mga polisiya o reporma at government interventions.
Sa datos ng DA, ang palay harvest sa unang semester ng 2020 ay umabot sa 8.387 million metric tons (MMT), 1.4% na mas marami kumpara sa 8.269 MMT sa kaparehas na panahon noong 2019.
Ang palay output para sa ikalawang semester ngayong taon ay tinatayang aabot sa 11.954 MMT.