Mariing itinanggi ng Department of Agriculture (DA) ang mga alegasyong overpriced ang mga pataba o fertilizers na ipinamamahagi ng pamahalaan sa ilalim ng COVID-19 aid program.
Ito ang pahayag ng kagawaran matapos ihayag ng ilang magsasaka na sobra-sobra ang presyo ng fertilizer na umaabot ng higit 200 milyong piso.
Ayon kay Agriculture Secretary William Dar, dumaan sa malinis at “corruption free” na procurement process ang pagbili ng fertilizers.
Binigyang diin din ni Dar na ang mga biniling fertilizer ay mas mura kumpara sa national average.
Aniya, malaki ang naititipid ng pamahalaan sa presyong hindi lalagpas sa ₱1,000 kada 50 kilong pataba.
Nakumpleto na ng DA ang procurement sa unang batch ng fertilizers sa ilalim ng Rice Resiliency Project, alinsunod sa Republic Act 9184 o Government Procurement Reform Act at ng Bayanihan to Heal as One Act.