DA, itinangging nakakaranas ng krisis sa pagkain ang Pilipinas

Inalmahan ng Department of Agriculture ang pahayag ng independent think tank na Ibon Foundation na nakakaranas ng food crisis sa pilipinas bunsod ng kakulangan sa supply ng karneng baboy at manok.

Sa interview ng RMN Manila kay Agriculture Spokesperson Asec. Noel Reyes, hindi totoong may krisis sa pagkain sa bansa.

Ayon kay Reyes, bagamat may kakulangan sa supply ng karneng baboy sa Metro Manila dahil sa African Swine Fever, pinupunuan na nila ito ngayon sa pamamagitan ng pag-aangkat mula sa Visayas at Mindanao.


May mga subsidiya rin aniyang ibinibigay ngayon ng pamahalaan para makatulong sa mga hog raiser.

Bukod dito, malaking tulong din aniya ang ipinasang Rice Tariffication Law para mapababa ang presyo ng bigas sa merkado at mabigyan ng ayuda ang mga magsasaka.

Sa ngayon ay umiiral ang price ceiling sa National Capital Region sa karneng baboy.

Itinakda na rin ng DA ang food security summit sa April 7 at 8, 2021 upang matugunan ang mga isyung kinakaharap ng food industry.

Facebook Comments