DA, kooperatiba at asosasyon ng magsasaka, nagtulungan para makapagbenta sa merkado ng P20 hanggang P25 kada kilong bigas

Nagtulungan ang Department of Agriculture (DA), mga kooperatiba at asosasyon ng mga magsasaka, at mga lokal na pamahalaan ng Cebu at Negros Occidental, para makapagbenta sa merkado ng P20 hanggang P25 kada kilong bigas.

Sa ulat ng Presidential Communications Office (PCO), lahat ay nagdodoble-kayod para makapagbigay ng murang bigas sa mga mamimili na bahagi ng mga layunin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Sinabi naman ni DA Assistant Secretary Arnel De Mesa na ang kanilang departamento, pribadong sektor, at iba pang operating units sa Cebu at Negros ay naglaan ng sapat na mapagkukunan ng bigas para matulungan ang mga mahihirap na mamamayan.


Sa ngayon, ibinebenta na ang bigas sa P25 bawat kilo sa “Bigasan ng Bayan” sa Negros Occidental kung saan katulong dito ang LGU at Federation of Irrigators Association of Central Negros-Bago River Irrigation System (FIACN-BRIS).

Sa ilalim ng konseptong ito, naglalaan ng 10 porsyento ng kanilang produksyon ang mga miyembro ng FIACN-BRIS na nagtratrabaho sa pamahalaang panlalawigan para ibenta sa mga pinakamahihirap na sektor.

Sa Cebu naman, ang Sugbo-Merkadong Barato na itinatag ng provincial government ay magsisimula na ring magbenta ng P20 bawat kilong NFA-rice at P40 kada kilo ng commercial rice.

Target ng gobyerno na mas mapalawak pa ang proyektong ito upang mapakinabangan ng mas maraming komunidad.

Facebook Comments