Tiwala ang Department of Agriculture (DA) na magpapababa sa retail price ng bigas ang desisyong bawasan nang malaki ang taripa sa imported rice.
Kasunod na rin ito ng pagtaya ng Philippine Statistics Authority (PSA) na posible ang pagbaba nito mula P6 hanggang P7 sa presyo ng kada kilo ng bigas.
Tiniyak naman ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na hindi maaapektuhan ang inihahatid na serbisyo sa mga magsasaka ng naturang hakbang.
Aniya, sisikapin ng DA na punan sa badyet ng ahensya ang posibleng kakulangan sa pondo para sa Rice Competitive Enhancement Fund (RCEF).
Sa ilalim ng RCEF, inilalaan ang P10 bilyong pondo para sa farm mechanization, probisyon ng mas magandang binhi, pondo para sa pagpapahusay ng teknolohiya at pagsasanay sa mga magsasaka at iba pang suportang pinansyal.
Hihilingin din ng DA ang suporta ng Kongreso para sa mas malaking budget para sa fertilizer subsidy gayundin ang financial backing para sa National Food Authority (NFA) para mapanatili ang mataas na presyo ng pagbili ng palay sa mga lokal na magsasaka.
Sa ngayon, kinukumbinsi ng DA ang National Irrigation Administration (NIA) na ipagpapatuloy nito ang kanilang mga contract growing projects upang lumikha ng magandang merkado para sa mga magsasaka ng palay na handang sumali sa programa.