Maglalatag na ang Department of Agriculture (DA) ng mga Kadiwa store sa lahat ng pangunahing pampublikong pamilihan upang tapatan ang sobrang mahal na ibinebentang bigas.
Ginawa ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel, ang hakbang bilang tugon sa nananatiling mataas na retail price ng bigas sa kabila ng pinababang taripa sa imported na bigas.
Patuloy na nakikipag-usap ang DA sa mga importer na nangakong magsusuplay ng bigas ng Kadiwa sa presyong P42 kada kilo upang matiyak na may abot-kayang presyo ng bigas para sa mga pamilyang Pilipino.
Ang estratehiyang ito ay inaasahang makatutulong upang mapababa ang presyo ng tingi ng bigas habang pinapanatili ang masiglang kompetisyon sa rice market.
Ang mas malawak na Rice-for-All rollout ay isasagawa ng DA sa pakikipag-ugnayan sa Department of Interior and Local Government (DILG), Department of Trade and Industry (DTI), Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Social Welfare and Development (DSWD), at mga unit ng Office of the President.