Dahil sa patuloy na pagsipa ng presyo ng mga gulay sa kabila ng ipinaiiral na Suggested Retail Price (SRP), mismong ang Department of Agriculture (DA) na ang magbabagsak o wholesale ng agricultural commodities sa mga pamilihan sa Metro Manila.
Sa virtual presser sa DA, sinabi ni Assistant Secretary Kristine Evangelista na magsisimula na ito bukas at ang Guadalupe market ang mauunang babagsakan ng mura at sariwang gulay.
Ayon kay Evangelista, nakipag-partner na sa ‘Kadiwa ni Ani at Kita’ ang mga farmers’ cooperative at mga farmers’ association mula Region 4-A, Region 3 at Cordillera Administrative Region para direktang ilapit sa mga consumers ang kanilang mga produkto.
Sariwang maide-deliver ang mga produkto dahil iimbak ito sa mga refrigerated vans.
Aniya, mawawala na ang mga layers ng mga traders kung kaya’t wala nang dahilan ang mga manininda na magpatong ng sobra sa presyo ng mga lowland at highland vegetables.
Ito rin ang nakikitang solusyon ng DA sa hindi nasusunod na SRP sa mga agricultural products.
Sinabi ni Assistant Secretary Arnel de Mesa na nakakabangon na ang vegetable farmers sa Calabarzon mula sa pagsalanta ng sunod-sunod na bagyo kung kaya’t asahan na magmumura na muli ang mga gulay na ipapasok sa National Capital Region (NCR).