Umaasa ang Department of Agriculture (DA) na makakabawi ng ani ang mga magsasaka bago matapos ang taon.
Ito ay sa kabila ng inaasahang pagbaba ng produksyon ng palay ngayong fourth quarter kasunod ng naging epekto ng mga Bagyong Quinta at Rolly.
Ayon kay DA Secretary William Dar, malaking bahagi ng rice production areas sa bansa ang hindi naman gaanong nasira ng bagyo.
“Marami naman tayong imbentaryo pero of course with these damage sa rice areas ay may konting pagbaba sa imbentaryo natin. Umaasa pa po kami kasi ‘yong malalaking rice production areas ay hindi naman badly affected. So kami, kahit siguro total average kung meron kang 10% increase in rice production, that’s already significant,” ani Dar sa interview ng RMN Manila.
Nabatid na aabot sa halos apat na bilyong piso ang kabuuang pinsalang iniwan ng dalawang nagdaang bagyo sa sektor ng agrikultura.
Gayunman, ipinagmalaki ng kalihim na halos P24 bilyong halaga ng agricultural products ang naisalba bago pa tumama ang mga bagyo.
Samantala, bukod sa mga ipamamahaging buto ng palay, mais, high-value crops, at fingerlings ng tilapia at bangus, magkakaloob din ang ahensya ng loan assistance sa mga apektadong magsasaka at mangingisda.
“Meron kaming sure aid loan assistance na P25,000, zero interest, payable in ten years. We also have crop insurance indemnification fund worth P1 billion,” dagdag pa ng kalihim.