
Sa susunod na mga araw ay hindi na lamang ang certificate mula sa NMIS o National Meat Inspection Service ang makikita sa mga karne ng baboy na ibinebenta sa mga pamilihan.
Ito ang inihayag ngayon ni Deparment of Agriculture (DA) Asec. Arnel de Mesa sa harap pa rin ng mababang compliance ng mga vendor sa itinakdang maximum suggested retail price (MSRP) sa karne ng baboy sa Metro Manila.
Sa press briefing sa tanggapan ng DA sa QC, sinabi ni De Mesa na layunin ng paglalagay ng card para matukoy kung saan nanggagaling ang mahal na karne ng baboy na ibinebenta sa mga palengke.
Sa sandali aniyang lumalabag sa MSRP ang isang palengke o vendor ay hindi na ito mabibigyan ng shipping permit na magreresulta sa hindi makapagdadala ng karne ng baboy rito.
Sa ngayon ay inatasan na ni Sec. Francisco Tiu Laurel Jr. ang DA-AMASS o Agri-Business ang Marketing Assistance Service para pag-aralan kung paano maisama sa NMIS certificate ang tracking card para sa karne ng baboy.
Nabuo ang hakbang matapos ang isinagawang pulong ng DA sa mga pork producer at importer na ipinatawag ng kalihim noong nakaraang linggo.
Batay sa MSRP na inilatag ng DA, dapat ay ibenta lamang sa 350 pesos ang per kilo ng laman ng baboy at 380-pesos naman sa liempo.
Batay sa huling report ng DA-AMASS, umaabot sa 450-470 pesos ang per kilo ng liempo sa ilang mga palengke gaya ng Pretil at Trabajo sa Maynila, at Cartimar Market sa Pasay City.