
Maglulunsad ang Department of Agriculture (DA) ng website kung saan maa-access ng publiko ang mga farm-to-market road projects sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Ayon sa DA, tatawagin itong FMR Watch, isang website kung saan makikita ang status ng lahat ng FMR projects, magkano ang pondong inilaan, kailan nagsimula, sino ang mga contractor, at kung ilang porsiyento na ang isinasagawang konstruksyon.
Bukod pa rito, ang mangyayaring bidding para sa mga gagawing proyekto ay dito na rin ila-livestream.
Ayon kay DA–Bureau of Agriculture and Fisheries Engineering (BAFE) Director Cristy Cecilia Pulido, sa tulong ng naturang portal ay makikita ang transparency pagdating sa mga FMR projects sa bansa.
Nilikha ang naturang website ng mga tauhan mula sa BAFE at nakatakdang ilabas sa publiko sa Pebrero.










