Maglulunsad ang Department of Agriculture (DA) ng programa para tulungan ang mga maliliit na swine raisers na naapektuhan ng African Swine Fever (ASF).
Layunin nitong palakasin ang produksyon ng karneng baboy at turuan ang industriya sa biosecurity protocols.
Ayon kay Agriculture Secretary William Dar, nakabuo sila ng ₱400 million para muling pasiglahin ang economic at income-generating activities sa livestock sector, partikular sa ilang lugar sa Luzon at CALABARZON kung saan nagkaroon ng ASF outbreak noong nakaraang taon.
Plano ng DA na magtayo ng swine multiplier farms sa pamamagitan ng “clustering” o village-level approach na binubuo ng 20 hog farmers.
Sa ilalim nito, mabibigyan ang bawat miyembro ng limang biik o piglet, 20 bag ng animal feed at biologics.
Ipapatupad ang clustering strategy sa mga ASF-affected areas bilang bahagi ng enhanced hog production stimulus package ng ahensya.
Muling umapela si Dar sa mga local chief executives na tulungan ang ahensya na protektahan ang kanilang border at hulihin ang mga trader na nagbebenta ng kontaminadong imported meat at mga may sakit na baboy.