DA, may babala sa mga rice trader na mambabarat sa mga magsasaka

Hindi pwedeng gamiting katwiran ng mga rice trader ang P20 na kada kilo ng bigas para labis-labis na baratin ang presyo ng aning palay ng mga lokal na magsasaka.

Una nang iniulat na umaaray ang mga magsasaka sa Northern at Central Luzon dahil sa P10 bentahan sa kada kilo ng palay.

Nangangamba din ang Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) na baka wala nang gaganahan na magsasaka kung mas mataas pa ang production cost kesa sa magiging kita ng mga magsasaka.

Sa isang pulong balitaan, sinabi ni Department of Agriculture (DA) spokesperson Arnel De Mesa na inatasan na ni DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang kanilang inspectorate enforcers na puntahan ang mga lugar na may bumibili ng P10 kada kilo ng aning palay ng mga magsasaka.

Giit ni De Mesa, binili sa P24 ang palay na ginagamit ngayon sa P20 na bigas kaya walang dahilan upang bilhin sa bagsak na presyo ang aning palay.

Pag-aaralan din ng DA kung maaaring magpataw ng parusa sa mga trader na mapatunayang nanamantala sa sitwasyon.

Facebook Comments