May kinakausap na umano ang Department of Agriculture (DA) para tapusin ang pamamayagpag ng mga hoarder ng sibuyas at bawang.
Ito ang inihayag ni Assistant Secretary for Consumers Affair Kristine Evangelista kasunod ng pahayag ni House Speaker Martin Romualdez na mga hoarder ang dahilan kaya may artipisyal na paggalaw sa presyo ng naturang mga produkto.
Ani Evangelista, kaisa siya sa pagnanais ng House Speaker na hanapan ng solusyon ang problema dahil malaki ang epekto ng hoarding sa presyuhan ng mga lokal na sibuyas lalo na ngayong panahon ng anihan.
Tiniyak din ni Evangelista na palalakasin ng DA ang daily price monitoring.
Sa ngayon, may 13 gumaganang price monitoring at wet markets na kumakatawan sa National Capital Region (NCR).
Sa pamamagitan nito aniya ay makikita kung may kaduda-dudang galaw sa farm gate price at sa supply chain ng mga nabanggit na agricultural product.