DA, muling pagbabawalan ang pagpasok sa bansa ng imported na mga ibon at poultry products mula sa Netherlands

Muling ipinagbawal ng Department of Agriculture (DA) ang pag-aangkat ng mga domestic at wild na ibon, gayundin ang mga poultry products, mula sa The Netherlands matapos ang panibagong outbreak ng highly pathogenic avian influenza.

Ayon kay Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr., i-ni-report ng chief veterinarian ng The Netherlands’ Ministry of Agriculture, Nature and Food Quality ang panibagong outbreak ng H5 subtype ng avian influenza noong Nobyembre 17 sa Putten, Gelderland na nakakaapekto sa mga domestic bird.

Kinumpirma rin ng Wageningen Bioverterinary Research ang pagkakaroon ng bird flu virus doon.


Bilang emergency measure, naglabas si Secretary Tiu Laurel ng Memorandum Order No. 56, na nag-uutos sa Bureau of Animal Industry (BAI) na suspindihin ang pagproseso at pag-isyu ng mga sanitary at phytosanitary import clearance para sa pag-aangkat ng mga domestic at wild birds mula sa The Netherlands, kabilang ang poultry meat, day-old chicks, itlog, at semilya na ginagamit para sa artificial insemination.

Ipinag-uutos din sa lahat ng veterinary quarantine officers at inspectors sa buong bansa na kumpiskahin ang mga kalakal na inangkat mula sa The Netherlands, maliban sa mga nasa transit na o nakarating sa mga lokal na daungan pagkatapos ng pagpapalabas ng kautusan.

Facebook Comments