
Nasita at kinuwestyon ni Department of Agriculture (DA) Asec. Genevieve Guevarra ang ilang mga vendors sa loob ng Obrero Public Market sa Sta. Cruz, Maynila.
Ito’y matapos ang ginawang Special Joint Price and Supply Monitoring ng opisyal kasama ang ilang tauhan ng DA at Department of Trade and Industry (DTI).
Nagulat si Guevarra nang lumapit sa tindahan ng karne ng baboy at saka nalaman na biglang nagbago ang presyo.
Nabatid sa ginawang monitoring na nasa P440 ang kilo ng karne ng baboy, pero bigla itong bumaba sa P360-P380.
Bukod sa sinabi ni Guevarra na hihingin ang tulong ng mga pulis sa pagmumonitor, hihingin din niya sa market administrator ang palagiang update sa mga presyo ng bilihin.
Aminado naman ang may-ari ng tindahan ng baboy na nagkamali sila ng paglalagay ng price list, kung saan sinabi nila na tumataas talaga ang bentahan ng karne tuwing holiday season.









